Ibaling naman natin ang talakayan sa administrasyon. Ang tao ay bumubuo ng organisasyon upang makamit ang mga mithiin nito. Mas madaling magawa ang kanilang mga mithiin kung sila ay marami, may iisang paniniwala, prinsipyo at hangarin. Ang tao ay likas na walang kasiyahan at hindi nakukuntento sa kanyang mga tinatamasa. Kaya nito naisipang bumuo ng organisasyon ay upang makamit nito ang mga hangarin na hindi kayang gawin ng nag-iisa lamang.
Sa isang organisasyon, kinakailangang hindi lahat ng kasapi nito ang mamuno. Hindi lahat ay lider. Kinakailangang humirang ng mamumuno sa kanila upang mapatakbo ang organisasyon. Ang tawag dito ay administrasyon.
Sa pamamagitan ng administrasyon, nagkakaroon ng balangkas ang isang organisasyon. Sa tulong nito ay napagkakaisa ang mga layunin ng isang organisasyon. Nagagawa nitong mapatupad ang mga palatuntunan na kailangang sundin ng mga miyembro upang maging maayos ang pamamalakad at takbo ng organisasyon.
Mahalagang aspekto ng isang administrasyon ay pagkakaroon ng mga lider na may malawak na kaalaman at pang-unawa sa pagpapatakbo nito.Malawak na edukasyon. Hindi sapat na sila ay popular o maimpluwensiya lamang upang maging pinuno. Importante din na sila ay hangaring mapabuti ang buong organisasyon, hindi lamang ang mga sarili nila.
Ang politika at administrasyon ay magkapatid na hindi puwedeng mawala ang isa. Sa mga politiko nanggagaling ang mga batas na ipatutupad ng administrasyon, at sa administrasyon naman manggagaling ang mga salik na kailangan ng mga politiko upang magpatuloy ito sa paggawa ng batas. Higit na mapapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga kasapi sa organisasyon kung ang dalawang ito ay magkatulong sa paghubog ng mga bagay na kailangan ng organisasyon.
Sa sistema ng ating lipunan ngayon, tila baligtad ang nangyayari. Inaabuso ng politika ang kapangyarihan ng administrasyon upang makamit nito ang pansariling hangarin. Lubhang nababahiran ng masamang imahe ng politika ang pagpapatakbo sa ating gobyerno kung kayat ang taong-bayan ang siyang naaapektuhan. Mabagal na pag-unlad ng bansa ,mataas na buwis, mataas na bilihin, kawalang trabaho, nabubulok na pasilidad ng gobyerno ang ilan lamang sa masamang dulot ng ganitong uri ng sistema .
Ano ang solusyon sa ating problema? Isa sa nakikita kong paraan ay ang pag-angat ng antas ng edukasyon dito sa ating bansa. Kapag marami na sa ating mga kababayan ang nabigyan ng sapat na edukasyon, dadami ang bilang ng mga mamamayan na may kakayahang iambag ang kaalam nito. Lalaya na tayo sa matagal ng baluktot na sistema, na ang mga may kayamanan lamang ang may karapatang mamuno sa ating gobyerno. Lalaya na tayo sa tunay na nang-aalipin sa atin.. ang kamangmangan.. Wala pang bansa sa buong mundo na mayroong isandaang porsiyento ng mamamayan ang marunong magbasa,magsulat at magsalita para sa bayan ngunit hindi masama ang mangarap.
Mahirap ngunit hindi imposible ang panaginip na ito at kung sisimulan na ng ating mga politiko at administrador ang tamang tahakin, hindi malayong magkatotoo ang aking adhikain.
Isang ligtas na gabi sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment