Monday, April 16, 2012

Ika-anim na Yugto: Lupaing Kinamkam ng Mahirap

Lumalaki na ang ating populasyon. Lumalaki na din ang bilang ng mga mahihirap sa ating bansa. Higit na madami ang nasa ilalim sa atin sapagkat hindi sila mabigyan ng pagkakataong umangat. Sila ba o ang ating gobyerno ang may kasalanan? Sa aking pananaw ay tila nagiging hadlang pa ang ating mga kababayang mahirap sa pag-unlad ng ating bansa. Isang halimbawa ay ang mga iskwater na nakatira sa paligid ng pampubliko o pribadong pag-aari. Matagal silang tumira sa mga lugar na ito na libre ang paggamit ng kuryente, tubig at renta. Mahabang panahon din ang kanilang inilagi na dapat sana ay nag-ipon sila upang pagdating ng panahon na bawiin na sa kanila ang lupang may nagmamay-aring iba, ay madali silang makakaalis dito. Isipin mong kapag binabawi na ng may-ari ang lupa ay ang mga iskwater pa ang matatapang at animo'y nasa kanilang lahat pa ang karapatan.Siyempre, ang gagawin ng may-ari ay gagastusan ng malaki ang pag-papaalis upang masiguro nito na makuha ulit ang pag-aari. Ang mga iskwater naman ay lalapit sa mga politiko at ang mga ito nama'y animong mga santo na tagapagligtas na kakampihan ang mga mapang-abusong nilalang upang mapangalagaan lamang nito ang pangalan. Ito rin ang isang ugat ng korapsyon sa ating pamahalaan. Imbes na kumilos ang ating gobyerno ay nag-aantay ito kung sino ang mas mapapakinabangan sa dalawa.
Demokrasya nga ang ating bansa ngunit sa tingin mo ba ay natutulungan nito ang bawat Filipino? Hindi ba masama ang sobrang kalayaan dahil likas sa atin ang mapang-abuso? Dalawa lamang ang tao dito sa mundo; isang manloloko at isang makulit; makulit dahil sa paulit-ulit na ginagawa ay pawang hindi nagtatanda o nakukuha ang aral mula rito. Masama ang sobrang kalayaan dahil kung minsan ay natatabunan nito ang katarungan. Lalo na sa uri ng ating politika ay kitang-kita ang masamang dulot ng sobrang kalayaan. Kung saan ang nakakarami ay nandoon ang lakas at boses ng ating bansa. Ngunit nakakasiguro ba tayo na makatarungan ang binibigkas ng kanilang tinig?
Sa aking palagay, ang isang magandang solusyon na dapat gawin ng ating gobyerno ay ang pagbibigay siglang muli sa agrikultura ng ating bansa. Malalawak ang mga lupain sa ibat-ibang lalawigan ng ating bansa at kailangan lamang na pagyamin ito ng mga tao. Ilipat ng gobyerno ang mga taong walang pirmihang tahanan dito sa siyudad na puro pamamalimos lamang ang gawi, sa mga karatig - lalawigan at duo'y tulungan silang linangin ang mga likas na yaman na ang kanilang mga kamay lamang ang hinihintay. Matutulungan na ng ating pamahalaan ang mga tao ay matutulungan din nito ang ibang Filipino sa buong bansa. Hindi na natin kailangang umangkat ng ibang pagkaing produkto sa ibang bansa sapagkat tayo na mismo ang nagtatanim ng mga ito. Hindi na lalabas pa mula sa ating bansa ang mga may pinag-aralan upang magtrabaho sa ibang bansa sapagkat dito lamang sa ating sariling bayan ay maganda na ang kanilang hinaharap. Isa itong "domino effect" na kapag ginamitan lamang ng "will power" ay siguradong maganda ang magiging bunga. Sana ay kaisa ka din sa aking mga paniniwala at prinsipyo.
Isang magandang gabi sa ating lahat.

No comments:

Post a Comment