Monday, March 26, 2012

Sampung Utos ng Lansangan

Atin namang pag-usapan at talakayin ang tinatawag na SAMPUNG UTOS NG LANSANGAN, mga utos na nababagay at naaangkop sa ating madumi at magulong lipunan. Binigyan tayo ng Sampung Utos ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Pinasimple ito at pinadali ng ating Panginoong Hesus: Mahalin mo ang Diyos at Mahalin mo ang kapwa mo.. Mga utos na sundin lamang natin at tayo ay magiging banal at kaaya-aya sa ating Lumikha. Ngunit sa mga utos na ito, ilan lamang ang ating nagagawa at naisasabuhay. Ayokong manisi dahil tayo ay likas na mahina at madaling matukso. Sa ating lipunang ginagalawan, kinakailangang may mga alituntuning sinusunod upang makalagpas sa kabulukan ng sistema. Narito ang Sampung Utos ng Lansangan:

1. IGALANG AT IRESPETO ANG SARILI NG HIGIT SA LAHAT.
- Nag-iisa lang ang iyong buhay. Walang kayamanan dito sa mundo ang maaaring makabili at makatumbas sa iyong buhay. Igalang mo ito at irespeto ng higit sa anumang bagay dito sa mundo.

2. HUWAG ILAGAY SA KAHIHIYAN AT KAPALALUAN ANG SARILI.
- Sa pagrespeto sa sarili, huwag kang gagawa ng mga bagay na ikahihiya ng lipunan mo.

3. MAGLAAN NG ORAS NG PAHINGA SA SARILI.
- Kailangan ng katawan at isipan natin ang pahinga. Kung ang makina nga ay hihinto, tayo pa kaya na dugo at laman ang hindi napapagod.

4. GALANGIN AT IRESPETO ANG IBA
- Kung gusto mong igalang at respetuhin ng kapwa mo, matuto kang gumalang at rumespeto sa iba. Isaalang-alang mo rin ang damdamin nila.

5. INGATAN ANG IYONG BUHAY.
- Sa panahon ng kaguluhan, madali na sa atin ang makakitil ng buhay. Ingatan at pangalagaan ang iyong buhay ng buong tapang at talino.

6. IPAGLABAN ANG IYONG ASAWA.
- Likas na makamundo ang tao. Kung mahal mo ang iyong asawa, ipaglaban ito ng sukdulan. Walang sinuman ang may karapatang umangkin sa iyong kabiyak.

7. IPAGLABAN ANG IYONG ARI-ARIAN.
- Tanging sarili mo lamang ang may karapatan sa iyong mga ari-arian. Walang sinuman ang may karapatang umangkin nito. Huwag hayaang kuhanin ito ng kung sinuman.

8.  IPAGLABAN ANG DIGNIDAD
- Walang sinuman dito sa mundo ang may karapatang humusga sa iyo. Tanging sarili mo lamang ang nakararaok sa nilalaman nito. Huwag hayaang sirain ng iba ang iyong pangalan.

9. ALISIN ANG INGGIT.
- Nakamamatay na kasalanan ang inggit. Mayron kang dalawang kamay upang paghirapan at pagtuluan ng pawis at dugo ang iyong kayamanan. Iwasang gumastos ng higit sa iyong kinikita.

10.  ALISIN ANG KAMUNDUHAN.
- Huwag mong hayaang sirain ng iyong kamunduhan ang ika-anim na utos. Isa itong anay na unti-unting sisira sa iyo. Nakakasira ng diskarte ang pagnanasa.

Ang mundo natin ay hindi perpekto. Tayong mga tao ay hindi perpekto. Ang mga utos na ito ay siyang magsisilbing gabay at patnubay sa ating pamumuhay. Huwag na natin isali ang ating Lumikha sa mga kasamaan at kahayupang ating ginagawa. Binigyan tayo ng kalayaang pumili sa ating mga gagawin, pangatawanan natin at panindigan ang bunga ng ating mga kalapastanganan.

Isang mapagtikang gabi sa ating lahat.




No comments:

Post a Comment