Monday, March 26, 2012

Sampung Utos ng Lansangan

Atin namang pag-usapan at talakayin ang tinatawag na SAMPUNG UTOS NG LANSANGAN, mga utos na nababagay at naaangkop sa ating madumi at magulong lipunan. Binigyan tayo ng Sampung Utos ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Pinasimple ito at pinadali ng ating Panginoong Hesus: Mahalin mo ang Diyos at Mahalin mo ang kapwa mo.. Mga utos na sundin lamang natin at tayo ay magiging banal at kaaya-aya sa ating Lumikha. Ngunit sa mga utos na ito, ilan lamang ang ating nagagawa at naisasabuhay. Ayokong manisi dahil tayo ay likas na mahina at madaling matukso. Sa ating lipunang ginagalawan, kinakailangang may mga alituntuning sinusunod upang makalagpas sa kabulukan ng sistema. Narito ang Sampung Utos ng Lansangan:

1. IGALANG AT IRESPETO ANG SARILI NG HIGIT SA LAHAT.
- Nag-iisa lang ang iyong buhay. Walang kayamanan dito sa mundo ang maaaring makabili at makatumbas sa iyong buhay. Igalang mo ito at irespeto ng higit sa anumang bagay dito sa mundo.

2. HUWAG ILAGAY SA KAHIHIYAN AT KAPALALUAN ANG SARILI.
- Sa pagrespeto sa sarili, huwag kang gagawa ng mga bagay na ikahihiya ng lipunan mo.

3. MAGLAAN NG ORAS NG PAHINGA SA SARILI.
- Kailangan ng katawan at isipan natin ang pahinga. Kung ang makina nga ay hihinto, tayo pa kaya na dugo at laman ang hindi napapagod.

4. GALANGIN AT IRESPETO ANG IBA
- Kung gusto mong igalang at respetuhin ng kapwa mo, matuto kang gumalang at rumespeto sa iba. Isaalang-alang mo rin ang damdamin nila.

5. INGATAN ANG IYONG BUHAY.
- Sa panahon ng kaguluhan, madali na sa atin ang makakitil ng buhay. Ingatan at pangalagaan ang iyong buhay ng buong tapang at talino.

6. IPAGLABAN ANG IYONG ASAWA.
- Likas na makamundo ang tao. Kung mahal mo ang iyong asawa, ipaglaban ito ng sukdulan. Walang sinuman ang may karapatang umangkin sa iyong kabiyak.

7. IPAGLABAN ANG IYONG ARI-ARIAN.
- Tanging sarili mo lamang ang may karapatan sa iyong mga ari-arian. Walang sinuman ang may karapatang umangkin nito. Huwag hayaang kuhanin ito ng kung sinuman.

8.  IPAGLABAN ANG DIGNIDAD
- Walang sinuman dito sa mundo ang may karapatang humusga sa iyo. Tanging sarili mo lamang ang nakararaok sa nilalaman nito. Huwag hayaang sirain ng iba ang iyong pangalan.

9. ALISIN ANG INGGIT.
- Nakamamatay na kasalanan ang inggit. Mayron kang dalawang kamay upang paghirapan at pagtuluan ng pawis at dugo ang iyong kayamanan. Iwasang gumastos ng higit sa iyong kinikita.

10.  ALISIN ANG KAMUNDUHAN.
- Huwag mong hayaang sirain ng iyong kamunduhan ang ika-anim na utos. Isa itong anay na unti-unting sisira sa iyo. Nakakasira ng diskarte ang pagnanasa.

Ang mundo natin ay hindi perpekto. Tayong mga tao ay hindi perpekto. Ang mga utos na ito ay siyang magsisilbing gabay at patnubay sa ating pamumuhay. Huwag na natin isali ang ating Lumikha sa mga kasamaan at kahayupang ating ginagawa. Binigyan tayo ng kalayaang pumili sa ating mga gagawin, pangatawanan natin at panindigan ang bunga ng ating mga kalapastanganan.

Isang mapagtikang gabi sa ating lahat.




Sunday, March 25, 2012

Ikaapat na Yugto: Kriminalidad

Laganap na ang walang tigil na krimen sa ating bansa. Wala ng pinipiling edad, mapabata o matanda man. Parang isang libangan na lang ang paggawa ng masama sa kapwa. Panghoholdap, panggagahasa, pagnanakaw at higit sa lahat ang pagkitil ng buhay. Gaano ba kahalaga sa atin ang buhay? Isinilang tayo dito sa mundo na iisa  lang ang buhay. Iningatan natin ito pati ng mga mahal natin sa buhay ngunit sadyang hindi patas ang mundo. Hindi tayo pantay pantay sa katayuan. May mayaman at marami ang mahirap. Ito na siguro ang malaking dahilan kung bakit mayron sa atin ang nakakagawa ng masama. Inggit sa kapwa ang ugat ng mga krimen.
Hindi ang pera o anumang materyal na bagay ang dahilan. Mga kasangkapan lamang ang mga ito kung bakit natin nagagawang manakit ng kapwa.
Walang kapatawaran ang panggagahasa at pagkatapos ay papatayin ang biktima. Ito na siguro ang pinakademonyong uri ng krimen. Ano ba ang ugat nito? Inggit ang umiral sa sarili. Dahil sa buhay niya, hindi siya nakakuha ng babaeng kanyang ginahasa. Hindi siya namahal ng babaeng kanyang sinalaula.
Ang pagnanakaw ay isang uri din ng krimen na ang ugat ay inggit. Nagawang manguha ng bagay na wala siya sa kanyang sarili. Nagawa niyang agawin ang pag-aari ng iba dahil siya ay nainggit na ang mga ito'y meron at siya ay wala.
Ang pagpatay ay isang uri din ng krimen na inggit ang pinagmulan. Pumatay siya dahil naiinggit siya na mas higit ito sa kanya. Nagawa niyang bawian ito ng buhay dahil nainggit siya sa tinatamasa nito.
Kung minsan, naisip kong sumali sa isang grupo ng vigilante upang mabawasan ang mga ganitong uri ng nilalang. Magpakasama sa paningin at paniniwala ng iba, upang mabawasan ang mga hayop dito sa lupa. Ngipin sa ngipin, mata sa mata.. ito ang dapat pairalim nating batas upang sa gayon ay matahimik ang ating mundo. Kaylangan lang naman natin na may katakutan upang tayo ay magbago. Nasisiguro kong mawawala ang inggit sa ating katawan.
Matahimik na umaga sa ating lahat.

Saturday, March 17, 2012

Kainan sa Hilaga

Hindi natin maiiwasan sa buhay ang abusuhin ng iba. Tayo ay mag-iisip kung bakit sa atin ito ay ginagawa. Kung ano ang ating mga pagkukulang. Kung ano ang ating nagawang kasalanan..  Dapat nating isipin na minsan tayo din ang may kasalanan kung bakit may mga taong tayo ay inaabuso.
Tunghayan natin ay maikling kwento ni Mang Rogel..

Si Mang Rogel ay isang negosyante na ang hangarin ay mapalago ang negosyo. Isa siyang mangangalakal ng mga bakal. Sa maliit na puhunan ay pinapaikot niya ang kanyang negosyo. Masipag at matiyaga si Mang Rogel. Biniyayaan siya ng dalawang anak na lalaki, si Mario at Nestor, na kinatulong niya sa kanyang negosyo nang nagsipaglakihan.
Sa tagal na sa pagnenegosyo, ay nagkaroon ng maraming kakilalang negosyante si Mang Rogel. Isang araw ay kinausap siya ng isang kakilala na nagngangalang Pedro at inalok siya nito ng isang posisyon na mamahala sa restaurant. Ang restaurant ay pagmamay-ari ni Dona Felipa, na ang katiwala ay si Pedro. Walang karanasan sa pamamahala ng kainan si Mang Rogel at tumanggi kay Pedro. Ngunit sinabi ni Pedro na madali lang ang trabaho at walang inang gagawin si Mang Rogel kundi magbigay ng lagay ka Pedro at sa mga ilang natirang empleyado. Bunga na din ng sulsol at kagustuhang kunita ng malaki,napapayag si Mang Rogel. Pero dahil pagod na din ang matanda sa ilang dekadang pagtatrabaho, ibinigay niya ang responsibilidad kay Mario. Sa madaling salita, nagsimula ang lipatan na pag-aari.
Unang araw pa lang ng pamamalakd ni Mario sa restaurant ay marani ng nagreklamo sa kanya. At ang mga reklamado ay walang iba kundi ang mga dating manggagawa ng restaurant. Ayaw nila kay Mario dahil ang pag-aakala nila na sila ay papalitan ng iba. Sa pamamagitang ng kapangyarihan ng salapi, nagawang pasunurin ni Mario ang mga manggagawa. Lumipas ang ilang panahon ay unti-unting napalakas ni Mario ang dating mahinang restaurant. Unti-unti niyang naiayos at napalitan ang mga nasisirang kisame at pinto.
Ngunit sadya yatang may mga ganid na tao. Sa patuloy na pag-sasaayos ni Mario, ay patuloy pa din siyang pinapahirapan ni Pedro. Isang halimbawa ay ang pagpapaalis sa mga pulubi sa labas ng resaurant. Matagal ng gustong ayusin ni Mario ang labas ngunit marami ang mga lumalabang pulubi sa kanya.Sa madaling salita ay responsibilidad ni Pedro ang magpaalis sa mga pulubi ngunit inaasa ang gawain kay Mario.
Hindi naman makaatanggi si Mario dahil siya ay takot kay Pedro. Lagi na lamang niyang iniisp ang utang na loob nakuha niya mula kay Pedro.
Marami na ang naghihirap na tapat at masipag ng empleyado.
Ilan pa bang Mario o Pedro meron sa mundo upang gumnhawa naman kaming mga simple at maliliit na empleyado.
Isang payapang gabi sa ating lahat.
z

Ay..Ti.. noyo..

Medyo matagal din tayong napahinga sa pagsulat at paggawa ng mga komento. Ito'y hindi dahil sa tayo'y tinamad na o nawalan ng gana. Ito'y sa kadahilanang may mga tao talaga na likas ang kasuwapangan sa sarili. Walang ibang gawin kundi ang magpapogi sa amo. Mga sipsip at suso na animo'y sila lamang ang may karapatang guminhawa.
 Mantakin mo ba naman na ang simpleng pagkomento lang sa pang-araw-araw nating pamumuhay ay binigyan na ng kulay. Isang simpleng kaligayahan na gustong ibahagi ng  inyong lingkod tungkol sa simpleng  kaalamaan ay pilit na sinikil ng ibang taong walang ibang iniiisip kundi sarili nila lamang.
Wala akong ibang tinutukoy dito  kundi ang mga ganid na "IT" sa aming lugar. Pilit nilang pinagtatakpan ang kanilang kakulangan sa kaalaman sa pamamagitan ng paninikil sa kalayaan sa sistema ng "network". Ang akala yata nila ay sila na ang matalinong tao na kayang magmanipula sa mga kauri nilang empleyado. Sa sa kahit anong oras nilang naising "pagtripan" ang isang yunit ay kaya nilang gawin.. Ha.. Ipapaalala ko lang sa inyo na lahat tayo ay empleyado lamang at hindi ang may-ari ng ating pinapasukan. Ayos lang sana na kami ay inyong higpitan ngunit sana naman ay gawin ninyo din sa inyong mga sarili. At ipinapaalala ko rin na pare-pareho lamang ang amoy ng ating utot kaya wala din kayong ipinagkaiba sa amin. Baka dumating ang panahon na kailanganin ninyo din ang aming tulong,at kami naman ang "magtrip"sa inyo. Kaya mga kasama sa trabaho, hinay-hinay lang sa pagtupad ng trabaho. Isaalang-alang ninyo din ang inyong masasagasan. Pakatandaan lamang na pare-pareho tayong tig-isa lang ang buhay.
Magbago bago mahuli ang lahat.
Isang mapagpalayang gabi sa ating lahat.

Sunday, March 11, 2012

Ikatlong Yugto: Jeepney

Mahal na ang mga presyo ng sasakyan partikular na ang kotse ngayon. Kung ikaw ay isang simpleng empleyado, na pinagkakasya ang sahod sa mga gastusin sa bahay at buhay, siguradong hindi ka makakabili ng nito. Ang tanging paraan ng pagbiyahe mo papasok sa trabaho ay ang mga jeep. Gigising ka ng umaga (o hapon kung ika'y pang-gabi) at gagawin ang pang-araw-araw na abubot sa katawan, kakain o hindi na, maliligo, magbibihis at pupunta na sa sakayan ng jeep.
Siyempre kailangan maging mabango at presentable tayo upang kasiyahan ng mga kasamahan natin sa trabaho. Kaya ka nga gumising ng maaga para ikaw ay makapaghanda ng mabuti at hindi mahuli sa pagpasok. Mahirap nang magkaroon ng "memo" at kaltas sa karampot na sahod.
Ang mga nabanggit ay isang ideyal lamang. Ngunit sa aktuwal na pangyayari ay isa itong kabaligtaran. Sa kadahilanang ang moda ng iyong transportasyon ay may "maliit" na diperensiya.
Sa pagsakay mo ng jeep, dapat ay may kaakibat ka ng pasyensya at pang-unawa. Isipin mo na lamang na ikaw ay bibiyahe ng malayo upang maikintal mo na sa isipan na aabutin ka ng mahabang oras sa pagbiyahe.
Lahat tayo ay gustong kumita ng pera upang maipantustos sa mga pangangailangan natin. Ngunit dapat din nating isaalang-alang ang iba sa ating ginagawang paraan ng pagkayod. Huwag nating isipin na ang sarili lang natin ang may pangangailangan. Sa ilang minuto mong pagtigil sa hindi tamang sakayan o babaan, pag-antay ng pasaherong hindi ka naman pinara, ay kapag pinagsama-sama ay malaki na din ang masasayang na oras. Oo nga't ikaw ang may hawak ng manibela ngunit ang iyong kinikita ay galing sa mga pasaherong nagmamadaling makapunta sa trabaho. Ang oras na nasayang ay hindi na maibabalik. Para itong "domino" na kapag itinumba ang isang nakatayo, matutumba din ang iba. Kapag nahuli sa takdang oras ng pagpasok ang mga pasehero, maraming bagay ang maaapektuhan nito. Maaaring pati ang ating ekonomiya ay maapektuhan din. Isa pang masamang gawain ang hindi maialis-alis dahil sa kawalang disiplina. Ang mga kotongero ay nabubuhay dahil sa mga lagay na ibinibigay ng mga nahuli sa kanila.Walang katapusang tawaran at hulihan.
Sana, bago pa lang makakuha ng lisyensya ang isang tsuper, mahigpit nang ipatupad ang mga reglamento. Ngunit wala din pala dahil marami din ang mga buwaya sa loob.
Kaya kung ikaw ay isang simpleng empleyado lamang, matuto kang magtiis at magkaroon ng malawak na pang-nawa hangga't walang solusyon ang ating administrasyon.
Isang ligtas na umaga sa ating lahat...

Saturday, March 10, 2012

Ikalawang Yugto: Pisbol

Ilan na ang sumubok sa atin na magtayo ng negosyo upang may karagdagang kita sa pang-araw-araw na gastusin? Ilan na ang nagbakasakali at nakipagsapalaran sa larangan ng merkado? Maaaring marami-rami na din. Ilan sa kanila ang nagtagumpay? Ang umasenso? Ang umunlad? Ngunit siguro ay mas magandang malaman kung ilan sa kanila ang nabigo at ang dahilan ng kanilang pagkabigo.
Nabubuhay tayo sa panahong umabante na ang teknolohiya. Maraming mga bagay na ngayon ang nalikha na nakakatulong sa atin upang matapos ang mga gawain. Isang magandang halimbawa ay ang kompyuter. Ngunit higit na umabante ang pag-iisip ng tao sa mga bagay na nakakaperwisyo sa iba. Nagiging balakid sila sa pag-asenso at pag-unlad ng kapwa nila sa maraming aspeto. Tulad ng isang pangyayari na aking nakita.
Mahilig akong kumain ng fishball o pisbol, isang putahe na para sa akin ay mura at nakakabusog din naman. Tuwing pagkagaling ko sa trabaho o sa unibersidad, dumadaan ako sa puwesto ng pisbolan at ngumunguya ng fisball; naglalaan na ko ng trenta pesos mula sa aking budget. Isang gabi na ako ay kumakain nito, habang kakuwentuhan ang tindero o pisbolero, biglang may humintong  L-300 sa aming tapat,  na sa wari ko'y mga taong  taga-gobyerno, at sapilitang isinakay ang pisbolero, kinabitan ng kadena at hinila ang sidecar nito. Ako ay nagulat sapagkat wala akong matinong alam na dahila kung bakit nila dinampot ang pobreng pisbolero. Nang sila ay makaalis na, nagtanong-tanong ako sa ibang tambay doon, at sa aking pagkakarinig sa kanilang mga salaysay ay nalaman kong matagal ng hinihingian ng "tong" ang pisbolero. Ayon din sa kanila, palaki nang palaki ang hinihingi sa kanya, kaya sa aking palagay ay hindi na nakapagbigay ang pobre kaya siya ay dinampot.
Kung susuriin natin, at ayon din sa aking mga nakalap na impormasyon, medyo maganda ang kita sa pag-pipisbol. Sa maghapon mong pagtitinda ay maaari kang kumikita ng isang libo o higit pa. Doble ng kita sa ordinaryong empleyado. Hindi mo na kailangan na mag-ayos ng sarili at sumunod sa mga boss dahil sa ganitong trabaho, ikaw ang boss. Sa maliit na puhunan at konting tiyaga, samahan mo na din ng masarap na sawsawan ay siguradong ikaw ay kikita. At kung ikaw ay may higit sa isang sidecar na ginagamit at ipinapagamit, isipin mo na lamang kung magkano ang kikitain mo sa isang buwan at nakatulong ka pa sa iba. Higit sa kinikita ng mga manager sa isang sikat na fastfood o sa isang kumpanya.
Ngunit sa kabila ng mga nabanggit, nananatiling mahirap pa din ang ibang pisbolero dahil may mga taong likas nang nabubuhay sa pinaghihirapan ng iba. Mga taong ganid at suwapang na animo'y walang buto at umaasa lamang sa kinikita ng iba. Hangga't may mga ganitong uri ng mga nilalang, mahihirapan ng umahon ang ating inang bayan at ang mga anak nitong nagsusumikap at nakakapit sa kanyang pangarap.
Isang matiwasay na hapon sa ating lahat.

Friday, March 9, 2012

Unang Yugto: Eskwela-kwela

Masarap mag-aral. Bawat araw na pagpasok sa unibersidad ay may mga pagsubok at sayang dumarating.. Mga bagay na nagpapatibay ng ating pagkatao. Mga pangyayaring nagiging instrumento upang tayo ay maging matatag. Hindi lingid sa atin na maraming mga kababayan natin ay hindi nararanasan ang ganitong uri ng mga pagsubok. Bunga ng karalitaan, hindi nila nagawang makatuntong sa eskwelahan upang makapagbasa at makapagsulat ng abakada. Isang simpleng aralin sa mga mag-aaral ngunit isang banyagang kaalaman para sa mga salat sa karunungan.
Masuwerte pa din tayo dahil sa buhay natin, naranasan natin ang magbasa at magsulat. Naranasan natin na mag-aral ng hindi nagpuputik ang ating mga paa... nang hindi basa ng tubig ang ating uniporme...
Dapat nating bigyang halaga ang ating pag-aaral. Isa itong kayamanan na hindi makukuha sa atin ninoman.
Isang paraan at pagpapakita ng pagpapasalamat ay ang pagtulong kahit sa anumang paraan sa ating mga kababayang salat sa pinag-aralan. Bagkus na hamakin ay atin silang himukin na mag-aral upang sa buhay nila ay maranasan at maramdaman na mayrong pag-asa pang darating.
Magandang gabi sa ating lahat...

Thursday, March 8, 2012

Isang Panimula

Mainit na panahon ngunit malamig ang aking kuwarto.... Hindi ka ba nagtataka kung bakit ganito?
Marami sa atin ang nakaranas at patuloy na nakakaranas ng ganitong saloobin. Naisip ba natin na parang may mali sa atin o sa ating komunidad? Hindi kaya sa ating paraan ng pamumuhay? Sa sistemang ating sinusunod at pilit na ipinapasunod sa atin? Anong kultura ba mayron tayo? Nakakatulong ba ito o isang hadlang sa ating mga pangarap? Mga ilang katanungan lamang na sa wari nati'y madaling sagutin ngunit kung ating liliriping maigi ay sadyang wala tayong maisasagot kung hindi natin bubusisiing maigi ang ating nakaraan.
Layunin ng "blog" na ito ang mabuksan ang ating isipan kung anong klaseng pamamahala ang ating susundin at makuha ang mga kuro-kuro at opinyon ng kapwa ko empleyado at mag-aaral ng Pampublikong Pamamahala..

Isang kapaki-pakinabang na araw sa ating lahat..